Nakapag-uwi ng karangalan sa katatapos lamang na SIAM International Math and Science Olympics (SIMSO) ang Tarlakenyo sa katauhan ni Jhunn Eus Lastimosa Castro.
Si Castro ay mag-aaral mula Santa Ignacia North Central School. Silver awardee ang nakuha ng mag-aaral sa SIMSO Mathematics, at Silver awardee rin siya sa SIMSO Science.
Ang nasabing patimpalak ay dinaluhan ng mga delegado mula sa ibang mga bansa at ginanap sa GT Toyota Asian Center Auditorium, University of the Philippines – Diliman, Quezon City.

Ang tagumpay na ito ni Castro ay patunay sa sipag, talino, at dedikasyon na patuloy na ibinibigay niya sa kanyang pag-aaral. At ito rin ay nagdadala ng karangalan hindi lamang sa kanyang paaralan at bayan, kundi maging sa buong lalawigan at sa bansa.
Pagkukuwento ng kanyang ina sa social media, mabilis lamang umanong natapos ng anak ang pagsusulit at ipinagmamalaki niya ang anak.
“Nakaka-proud dahil kahit 20 minutes lang tinapos mo na agad-agad ang exam. Di mo naconsume ang 90 minutes dahil tinatawag ka na ng kalikasan. Ang galing mo pa din. Medalist ka pa din, mapapa thank you Lord na lang kami parati sa achievements mo,” ani Onyong Castro via FB.

Maliban dito ay national medalist din si Castro sa 6th Philippine National Vedic Mathematics Olympiad (PNVMO), international gold medalist sa 5th International Vedic Mathematics Olympiad 2025 (IVMO), at Trifecta 2026 awardee bilang pagkilala sa tatlong magkakasunod-sunod na Vedic Mathematics competition.
National Silver Medalist pa siya sa 6th Math-Inic Vedic Mathematics National Challenge 2026 (MVMNC) at National Silver Medalist sa PEN 2nd National Scientific Challenge (NSC).
Kaugnay nito, binati ng maraming netizens ang batang henyo. Sabi ng isa, “My big congratulations to Jhun Eus Lastimosa, to his parents and to the stakeholders of Sta. Ignacia Elementary Schools. Mabuhay kayong lahat.”
Komento ng isa pa, “Congratulationa Balong and to the proud parents.”
Sources: Facebook (1), Facebook (2)